Inanunsyo ngayong araw ng Department of Health (DOH) na ipagpapatuloy na ang paggamit ng AstraZeneca COVID-19 vaccines sa ilalim ng vaccination program ng pamahalaan kasunod ng dalawang linggong evaluation sa naturang bakuna.

Ito ay matapos na inirekomenda ng Food and Drugs Administration (FDA) na ipagpatuloy ang paggamit ng COVID-19 vaccines na gawa ng AstraZeneca para sa mga 60-anyos pababa, sa kadahilanan na mas matimbang anila ang benepisyo rito kaysa peligro.

Pero, iginiit ni Vergeire na kailangan na mayroong mailatag na “specific indications” sa ngayon sa paggamit ng naturang mga bakuna.

Ibig sabihin, kailanga aniya na mayroong guidance sa mga gagamit ng AstraZeneca COVID-19 vaccines at ang bagay na ito ay pinag-uusapan aniya sa ngayon.

Kokonsultahin aniya ng DOH ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) at iba pang mga eksperto sa kung paano ipapatupad ang mga protocols bago ibahagi ito sa mga implementing units.

Mababatid na pansamantalang sinuspinde ng Pilipinas ang paggamit ng AstraZeneca vaccines kasunod nang mga ulat nang “very rare” blood clotting sa mga taong naturukan nito sa ibang bansa.

Gayunman sinabi ni Vergeire na ang pansamantalang suspensyon na ito ay hindi naman naka-apekto sa kumpiyansa ng publiko hinggil sa naturang bakuna.