NAGA CITY- Nangunguna ngayon sa “top pick” ng mga Latino ang pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2019 na si Gazini Ganados.

Sa report ni Bombo International Correspondent Carlo Villa, isa sa mga pageant enthusiast sa Las Vegas Nevada, sinabi nitong maganda ang mga komento at papuri na natatanggap ni Ganados mula sa mga Latino.

Aniya, isa rin si Ganados sa mga inaabangan sa social media kung kaya kampante si Villa na malakas ang laban ng Filipino-Palestinian beauty sa naturang prestihiyong pageant.

Maliban dito, maganda rin aniya ang mga ipinapakitang galaw at pakikisama ni Ganados kung saan mapapansin na nag-eenjoy ito sa kanyang ginagawa.

Kaugnay nito, kasama si Villa sa mga Pinoy na lumipad para tumungo sa Atlanta, Georgia para personal na matunghayan ang nasabing pageant.

Bagama’t lahat magaganda at may natatanging talento ang mga kandidata, kampante si Villa na may tyansa ang pambato ng bansa para sa back-to-back win ngayong taon.

Maaalala na noong nakaraang taon nang masungkit ng Pilipinas ang titulo para sa Miss Universe matapos maiuwi ni Catriona Magnayon Gray ang korona sa naturang international competition.