-- Advertisements --

Pumirma ngayon ang Japan at Pilipinas ng 253.3-billion-yen o katumbas ng P112.1 billion loan agreement para sa Metro Manila Subway Project Phase 1.

Sinabi ng Japanese Embassy sa Manila na ang second tranche ng official development assistance loan ay kasunod na rin ng unang tranch na mayroong pondong 104.53 billion yen na pinirmahan noong March 2018.

Ang naturang kasunduan ay pinirmahan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines Representative Azukisawa Eigo sa isang seremonya na dinaluahan din ni Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko.

Sinabi ni Koshikawa na ang Metro Manila Subway ay unang plinano noong 1970s pero ito ay naging plano lamang matapos ang halos kalahating century.

Pero dahil daw sa pagtutulak at determinasyon ng Duterte administration, ang tinawag nitong “project of the century” ay maisasakatuparan na at patuloy daw ang pagpaplantsa sa proyekto.

Natutuwa raw ito dahil malapit nang magsimula ang paghuhukay ng kanilang tunnel boring machine sa ilalim ng Metro Manila area sa ikalawang quarter ngayong taon.

Naniniwala ang envoy na malaking tulong at magiging one driving force sa panunumbalik ng ekonomiya ng bansa ang naturang proyekto.

Makakaasa raw ang Pilipinas na patuloy ang pagbibigay ng Japan ng suporta hanggat hindi pa nakukumpleto ang subway project.

Bilang isa sa flagship developments sa ilalim ng “Build, Build, Build” program, ang 17-station subway ay malaking bagay para maibaba sa 35 minutes ang biyahe mula sa Quezon City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa dating 70 minutes.

Layon din ng proyektong matugunan ang lumalalang traffic congestion sa Metro Manila dahil sa hindi magandang road network at ang tumataas na demand para sa transportasyon.