Ikinatuwa ng Philippine Nurses Association (PNA) ang desisyon ng Duterte administration na taasan ang deployment ceiling ng mga healthcare workers.
Sinabi ni PNA president Melbert Reyes na magandang balita ito sapagkat may mga healthcare workers pa ring makakalabas ng bansa.
Kahapon inanunsyo ng inter-agency task force na nangunguna sa COVID-19 response ng pamahalaan na kanilang itinaas sa 6,500 ang annual cap sa deployment ng mga nurses at iba pang mga health care workers na nais magtrabaho abroad.
Bago ito, sinuspinde pa ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang deployment ng mga bagong kuhang medical professionals matapos na umabot na sa 5,000 ang annual ceiling para sa mga newly hired.
Gayunman, iginiit ni Reyes na hindi pabor ang kanilang grupo sa pagtatakda ng deployment ban dahil labag ito sa karapatan ng mga health care workers na makapaghanap ng magandang oportunidad sa ibang bansa.
Hindi rin naman kasi aniya pipiliin ng mga nurses na umalis ng Pilipinas kung natutugunan lamang ng national gvoernment ang mga problema na kanilang kinakaharap.










