Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Services hinggil sa paglaganap ng text scam messages sa bansa ngayon.
Sa gitna ito ng naglipanang smishing messages na bumabanggit pa sa pangalang tutugma sa taong bibiktimahin nito.
Sa isang statement ay sinabi ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Jose Chiquito malayo na nakahandang tumulong at makipag-coorperate ang pulisya sa naturang imbestigasyon.
Kasabay nito ay nagpahayag din ng pagsang-ayon ang PNP sa pagpapatupad ng SIM Card Registration Act dahil makakatulong aniya ito sa kapulisan na matukoy ang mga salarin o scammers na gumagamit ng mga communication devices upang mangbiktima ng ibang tao.
Ngunit nilinaw nito na dapat ay maging mahigpit pa rin ang pagpapatupad naman ng seguridad ukol dito upang matiyak naman ang kaligtasan ng impormasyon ng mga prepaid subscribers.
Patuloy naman na umaapela ang PNP sa publiko na maging maingat sa mga pumapasok na mensahe sa kanila at huwag agad na maniniwala kahit na may pangalan pa nila ang mga text message.
Maaari rin na magsampa ng reklamo ang sinumang makakatanggap ng spam messages sa PNP Anti-Cyber Crime Group na dati na rin tumulong sa imbestigasyon sa mga kaso ng text scam cases.