Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga giant network sa bansa na isailalim muna sa drug test ang kanilang mga aktor o talent bago bigyan ang mga ito ng project.
Ito ang naging tugon ng PNP sa rekomendasyon ni Congressman Robert Barbers na isailalim muna sa drug test ang mga artista.
Sa gitna pa rin ito ng kasalukuyang hindi matapos-tapos na pakikipaglaban ng pulisya kontra ilegal na droga.
Sa isang pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na dapat ay magkusa na ang malalaking network sa bansa na ipa-drug test ang kanilang mga aktor bago bigyan ang mga ito ng trabaho.
Sila kasi aniya ang kadalasang tinutularan ng mga kabataan dahilan kung bakit dapat ay drug free sila upang mapatunayan na rin na talagang magandang role model ang mga ito sa susunod na henerasyon.
Dagdag pa ni Azurin, bukod sa mga artista dapat lahat din aniya ng ahensya at offices ay maging subject din sa drug test kung kaya.
Upang maobilga aniya ang mga ito na voluntarily na sumailalim sa naturang testing ay pwede rin daw isama ang drug test sa mga hinihinging requirements for employment.
Kung maaalala, ilang mga kilalang personalidad na rin sa industriya ng showbiz ang nahuli ng pulisya sa kanilang mga isinagawang anti-ilegal drug operations kabilang na nga riyan ang kamakailan lang na pagkaka-aresto sa artistang si Dominic Roco at kaniyang mga kasamahan.