-- Advertisements --

Nagsasagawa na ng forensic examination ang Philippine National Police (PNP) sa cellphone na ginamit ng self-confessed gunman sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at ng kapatid na babae ng nasawing middleman.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang cellphones ng dalawa’y isinumite na sa PNP’s Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Sinabi pa ng PNP official na ang recorded na pag-uusap sa pagitan ng person of interest at bank transactions na ginawa may kaugnayan sa pagpatay kay Lapid ay kanilang pinagsama sa isinasagawang imbestigasyon.

Ayon pa kay Fajardo na nagsasagawa na ng financial investigation ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa bank account ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na nasa kustodiya na ng pulisya.

Saad pa nito na maghahain ang PNP ng isang petisyon sa korte para hayaan ang mga imbestigador na busisiin ang iba pang bank accounts na nagkaroon ng transaksyon kay Escorial.

Base naman sa nauna ng claim ni Escorial na nasa P550,000 ang inilipat sa kaniyang account matapos na patayin si Lapid at inilipat ang ilang halaga sa iba pang indibidwal.

Top