-- Advertisements --
pgen rodolfo azurin

Bubuo ng dalawang bagong provincial police office ang Philippine National Police sa Maguindanao.

Kasunod ito ng naging matagumpay na resulta ng isinagawang plebesito sa lalawigan na naghati rito bilang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.

Sa isang press briefing ay sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na inatasan na niya si PNP Director Police Brigadier General Bernard Banac upang bumuo ng bagong provincial police offices naturang mga bagong probinsya.

Aniya, posibleng hatiin muna ang kasalukuyang personnel ng Maguindanao Provincial Police Office sa 50-50 na kalauna’y pupunan din nila ng dagdag pang mga tauhan.

Papipiliin naman aniya sa pagitan ng Maguindano del Sur at Maguindanao del Norte ang kasalukuyang Maguindanao Provincial Director kung saan nito nanaisin na manungkulan atsaka naman daw sila magtatalaga ng bagong Provincial Director sa kabilang lalawigan.

Samantala, bukod dito ay nagpahayag din ng kagalakan si Azurin dahil sa nakikita nitong welcome development sa nasabing lugar at sinabing sa ganitong paraan aniya ay unti-unting mawawala ang terorismo na senyales naman ng pag-unlad ng nasabing mga lalawigan.