-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nagbabala ang Philippine Medical Association-Gensan Chapter sa publiko na mag-ingat sa mga pekeng doktor sa lungsod.

Ito ay matapos nadiskubre na may isang kinilalang doktor na gumagamit ng pangalang Dr. Pia Angela Ramos Lejano na gumagawa na ng rounds sa mga pagamutan sa General Santos City.

Ayon kay Dr. Lalaine Calonzo, City Health Office head at Public Information Officer ng PMA-Gensan, nalaman na isa pa lang impostor si Dr. Lejano.

Natuklasan ito sa pamamagitan ng kaibigan ng tunay na si Dr. Lejano na isa ring eksperto sa Gensan.

Kumpirmado na ang tunay na Dr. Angela Ramos Lejano ay nasa Quezon City.

Hindi rin tumugma ang numero ng ipinakitang lisensya ng impostor matapos lumabas ang ibang pangalan sa PRC.

Sa ilalim ng Republic Act No. 2382: The Medical Act of 1959, isang paglabag sa batas ang paggamit ng pangalan ng isang professional at lumikha ng sariling lisensya.

Matapos malaman ang mga aktibidad ng pekeng doktor, agad na naglabas ng opisyal na pahayag ang Philippine Medical Association-Gensan Chapter.

Bukod sa paggamit ng ibang pangalan, nabatid sa iba pang post sa social media na isa rin sa mga modus ng nasabing pekeng doktor ay ang pagkaroon ng mga karelasyon.

Pagkatapos ng isa o dalawang linggo, magpapanggap itong buntis sa pamamagitan ng pagpapadala ng pregnancy test hanggang sa hihingi ito ng sustento ngunit ayaw naman nitong magpakita.

Sa kasalukuyan, naka-blocklist na ito sa mga pagamutan ng lungsod.