Inanunsyo ni Philippine Information Agency (PIA) Director-General Ramon Cualoping na bumaba at nagbitiw na siya sa kanyang puwesto sa nasabing ahensya.
Sinabi ni Cualoping na naghain siya ng kanyang pagbibitiw noong Abril 4 upang bigyan si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ng kalayaan na pumili kung sino ang nakikita niyang pinakamahusay at nararapat upang mamuno sa Philippine Information Agency.
Kung matatandaan, ang ilang empleyado ng PIA noong nakaraang taon ay pumirma ng petisyon na humihiling na mapatalsik siya sa puwesto dahil sa umano’y “abuse of power and authority.”
Wala namang ibinigay na detalye ang opisyal sa sinasabing black propaganda ng mga empleyado.
Sinabi ni Cualoping na ang petisyon ay isang “demolition job”.
Si Cualoping ay naging assistant secretary sa noo’y Presidential Communications Operations Office sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2020.
Dagdag dito, naglingkod siya bilang undersecretary at director-general ng Philippine Information Agency mula noong 2020.
Una na rito, ang Philippine Information Agency ay nagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga programa ng gobyerno at nagsisilbing isang public relations firm para sa mga partikular na kampanya sa komunikasyon na hinihiling ng iba pang mga ahensya.