-- Advertisements --
National 1 5

On track pa rin daw ang Philippine Identification System para sa kanilang target na maiimprentang PhilIDs hanggang sa katapusan ng taong 2022.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), sa ngayon pumalo na raw sa 3.6 million printed ePhilIDs (electronic Philippine IDs), ang digital version ng PhilID ang nai-release ng Philippine Identification System o PhilSys.

Ito ay para mabigyan ang mga nakapagrehistrong mga kababayan ng pagkakataong magamit agad ang benepisyo ng Philippine Identification System (PhilSys).

Sinabi ni PhilSys Registry Office officer-in-charge Fred Sollesta na target daw ng ahensiya na makapag-generate ng kabuuang 20 million printed ePhilIDs bago matapos ang taon.

Pero ang pre-generation daw ay nasa 11.15 million na.

Nilinaw naman ni Sollesta na ang printed ePhilID at physical PhilID card ay mayroong kaparehong functionality at validity.

Dagdag ng opisyal, ang ePhilID ay mayroon ding karagdagang security features kabilang na ang QR code mara ma-verify ang authenticity ng ID.

Kaya naman, hindi raw dapat mangamba ang ating mga kababayan dahil secured ang ePhilID tulad ng mga physical card.

Ang printed ePhilID ay mayroon ding parehong impormasyon gaya ng physical PhilID card na naglalaman ng registered person’s demographic data, front-facing photograph, PhilSys Card Number (PCN), generation date at QR code.

Una rito, sinabi ng PSA na target nilang mag-isyu ng 50 million PhilID cards sa katapusan ng 2022 kasunod na rin ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA).