Target ng Philippine Coconut Authority na makapagtanim ng hanggang isandaang milyong mga puno ng niyog sa buong bansa.
Ito ang nakikitang tugon ng nasabing tanggapan upang matugunan ang domestic at export demand ng bansa para sa mga produktong niyog.
Ayon kay PCA Administrator Bernie Cruz, tiyak na bubuhayin ng hakbang na ito ang industriya ng pagniniyog sa buong bansa.
Tiyak aniyang mapapataas dito ang produksyon ng niyog sa buong bansa, na magiging daan upang mapataas ang kita ng mga magniniyog, at mapataas ang volume ng mga produktong gawa sa niyog.
Ang pagtatanim ng hanggang 100million na niyog sa buong bansa ay kaya umanong maabot sa loob ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Cruz, nauna nang pumirma ang Phil Coconut Authority ng isang Memorandum of Understanding kasama ang ibat ibang grupo ng mga magniniyog na kinabibilangan ng Confederation of Coconut Farmers Organizations of the Philippines, upang tumulong ang mga ito na maabot ang kanilang target.
Batay sa pag-aaral ng ahensiya, ang isang puno ng niyog ay kayang magsupply ng hanggang 44 na bunga sa kada-taon.