Narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga debris malapit sa Subic, Zambales, na pinaniniwalaang bahagi ng Long March rocket na inilunsad ng China noong Oktubre.
Sinabi ng PCG na kabilang sa mga materyales na narekober noong Sabado, Disyembre 17, ay ang mga metal at plastic debris na may sukat na dalawang metro ang haba at apat na metro ang lapad, na natagpuang lumulutang sa tubig mga 55 nautical miles kanluran ng Subic, Zambales.
Ang mga materyales ay pinaghihinalaang bahagi ng rocket na inilunsad mula sa Wenchang Space Launch Center noong Oktubre 31, na nagdadala ng isang research laboratory module sa Tiangong Space Station ng China.
Ayon sa PCG, nag-post ang Philippine Space Agency ng public advisory sa araw ng paglulunsad, na nag-aalerto sa publiko para sa posibleng pagbagsak ng mga debris sa loob ng dalawang drop zone.
Nananatili namang alerto ang Philippine Coast Guard at handa rin silang tumulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga sasakyang pandagat at mangingisdang Pilipino na dumadaong sa karagatan.