-- Advertisements --
PCG logo

Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasa 18 tripulante ng isang cargo vessel na umano’y sangkot sa pagnanakaw ng diesel nitong weekend.

Una rito nagsagawa ng pagpapatrolya ang PCG team nang maharang ang isang cargo vessel na M/V Mirola na mayroong limang crew na nangunguha ng diesel sa bisinidad ng katubigan ng Navotas Fish Port noong Sabado.

Ipinamahagi ng ship crews ang naturang langis sa 13 tripulante ng tatlong vessels na Palawan Pirates 2022, Palawan Pirates 2023, at Palawan Patrick.

Ayon sa Coast Guard, aabot sa 20,000 hanggang 30,000 litro ng diesel na ikinarga ng cargo vessel sa tatlong bangka nang madiskubre ng PCG ang iligal na gawain.

Nadiskubre din ng mga awtoridad na walang hawak na mga dokumento ang tatlong vessels.

Kalaunan ay napag-alaman din na sangkot din ang mga ito sa pagnanakaw ng fuel sa lungsod ng Manila, Batangas at sa Bataan.

Sa ngayon , dinala na ang mga tripulante at pinagsakyan ng mga nakumpiskang diesel sa Coast Guard Sub-Station Navotas para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang mga kaso.