Welcome umano sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang anumang suhestiyon para mapaganda pa ang kanilang operasyon lalo na sa mga isinasagawang draw para sa mga mananalong mananaya.
Kasunod na rin ito ng kaliwa’t kanang mga reaksiyon sa pagkakapanalo ng mahigit 400 na mananaya na mayroong pare-parehong winning number combination.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, bukas daw sila sa mga puna at suhestiyon matapos ang naturang pangyayari.
Pero iginiit nitong walang iregularidad o dayaan sa nasabing draw na isinagawa noong Sabado ng gabi.
Umabot sa 433 bettors ang nanalo sa 6/55 Grand Lotto na may jackpot prize na P236,091,188.40.
Paliwanag pa ng pamunuan ng PCSO na ang naturang draw ay televised at recorded naman.
Bawat bola raw na ginamit sa draw ay isa-isang tinimbang at ang pagpili sa mga winners ay hindi computer generated o manually drawn.
Ang bilang ng mga nanalo ay mula sa Luzon, Visayas at Mindanao na may tatlong separate system.
Kasunod naman nito ay nagpahayag si Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na maghain ng resolusyon na layong imbestigahan ang kung paano nanalo ang 433 bettors ng P236 million ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Grand Lotto jackpot.
Ayon sa senador, kataka-taka raw ang resulta ng draw dahil ang tiyansa raw na makuha ng mahigit 400 mananaya ang pare-parehong kombinasyon ay one in a billion.
Kung maalala, base sa resulta ng 6/55 lottery draw kagabi ay lumabas ang winning number combination na 09-45-36-27-18-54.
Ang anim na number ay pare-parehong multiples ng number nine.