-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Handa na ang lahat para sa pagsisimula ngayong araw ng Philippine Athletics Championships na magtatagal hanggang Linggo ikadalawamput anim ng Marso sa Lunsod ng Ilagan.

Ang opening ceremony sa City of Ilagan Sports Complex ay pangungunahan nina Philippine Sports Commission chairman Richad Bachmann na magiging keynote speaker at PATAFA president Agapito Capistrano na magbibigay ng inspirational message kasama si Isabela Governor Rodito Albano.

Isasagawa ang parada ng mga atleta, officials at delegado ay isasagawa mamayang alas kuwatro ng hapon. Ang mga magdadala ng sulo ay si long jump queen Elma Muros-Posadas kasama ang mga atletang taga-lunsod ng Ilagan na sina John Carlo Yuzon at Janry Ubas.

Aabot sa walong daang atleta, kabilang ang walumpo mula sa Malaysia, Vietnam, Thailand, Indonesia, at Brunei, ang sasali sa tournament na mag-aalok ng world ranking points.

Lahat ng mga medalists ng 2022 Vietnam Southeast Asian o SEA Games ay lalahok sa event na dating kilala bilang Philippine Open.

Ayon sa PATAFA, ang torneo ay isang magandang preview ng Cambodia SEA Games sa Mayo.

Lalahok para sa Team Philippines sina Filipino-American sprinters Eric Cray, Kayla Richardson, Kyla Richardson, Robyn Brown at homegrown Clinton Kingsley Bautista na gold medalist sa 110-meter hurdles; Hocket delos Santos na silver medalist sa pole vault, Janry Ubas, Aries Toledo, Mark Harry Diones, Christine Hallasgo, Sarah Dequinan at marami pang iba.

Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Information Officer Paul Bacungan na isang daan animnaput limang medalya ang nakataya sa walumpong sporting events.

Ayon kay Ginoong Bacungan sa kanilang pulong noong linggo ay nabanggit ni Secretary General Edward Kho na sa kanilang pagtungo kamakailan sa Vietnam ay pinuri ng mga Vietnamese ang magandang pasilidad at hospitality sa kanilang paglahok sa Lunsod ng Ilagan sa international sporting event bago ang pandemya.