Pinangunahan ng 10th Infantry Division ng Philippine Army ang pagbibigay parangal sa kanilang mga personnel na naging bahagi ng Disaster Response and Rescue Operations sa naganap na landslide sa Zone 1, Masara, Maco, Davao de Oro.
Ginanap ang awarding ceremony sa Camp Gen. Manuel T. Yan Sr., Mawab, Davao de Oro.
Ito ay pinangunahan ni 10ID Commander Major General Allan D Hambala.
Sa naturang seremonya ay tumanggap ng medalya ang 109 na tauhan at K-9 dog mula sa 525th Engineer Combat Battalion, 10ID Emergency Response Company, 25th Infantry Battalion, at 11th Regional Community Defense Group.
Sa naging bahagi ng mensahe ni Gen Hambala, pinasalamatan nito ang lahat ng kanilang mga tauhan dahil sa kanilang ipinamalas na husay at walang kapagurang pagtulong sa search, rescue, and retrieval operations sa nasabing barangay.
Ito ay nagresulta sa pagkakaligtas ng hindi bababa sa 32 indibidwal at pagkakarekober sa 98 na mga labi ng mga nasawi sa landslide
Kabilang nga ang mga tauhan ng 10ID sa mga naging first responder nang maganap ang landslide sa Masara noong Pebrero 6 ng kasalukuyang taon.