Inihayag ng Philippine Air Force (PAF) na nakapagdala na sila ng 1,500 na kahon ng relief goods para sa mga pamilyang naapektuhan ng masamang panahon sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine Air Force spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo na nag-deploy sila ng dalawang C-295 medium transport aircraft, na nagdala ng mga relief goods sa Zamboanga City, Mactan, Cebu, at Bacolod City para sa mga nasalanta.
Idinagdag niya, ang relief mission ay ginawa sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Vice President – Disaster Operations Center (OVP-DOC).
Aniya, ang mga relief goods ay inilagay sa Bacolod City bilang paghahanda sa mga inaasahang kalamidad sa naturang lugar.
Dagdag dito, inaasahang magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa maraming bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong weekend dulot ng low pressure area at shear line.
Una na nga rito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigpit na subaybayan ang mga bahagi ng bansa na patuloy na apektado ng malakas na pag-ulan at pagbaha na dulot ng sama ng panahon.