-- Advertisements --

Nakatakdang ilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pinalawak na coverage at mga benepisyo nito para sa mga miyembro kabilang ang outpatient mental health package at pinataas na mga session ng hemodialysis.

Sinabi ni PhilHealth acting President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr., na kabilang sa mga unang ipapatupad ay ang pagtaas ng bilang ng mga sakop na outpatient hemodialysis session mula sa kasalukuyang 90 hanggang 156.

Aniya, sa pamamagitan ng expanded coverage na ito para sa outpatient hemodialysis, masusuportahan ang buong sessions kada linggo sa loob ng isang buong taon.

Ibinabahagi ng PhilHealth ang pagtaas na ito batay sa mga pamantayan ng sapat na dialysis na umaabot ng tatlong 4-hour session bawat linggo para sa stage 5 na mga pasyenteng may chronic kidney disease (CKD).

Idinagdag ni Ledesma na ang state health insurer ay nasa track din na maglunsad ng outpatient therapeutic care package para sa mga batang wala pang limang taong gulang na dumaranas ng matinding acute malnutrition.

Dagdag pa niya, nakatuon ang kanilang korporasyon sa patuloy na pagpapabuti ng mga benepisyo para sa mga mamamayang Pilipino.

Bukod sa mga ito, sinabi ni Ledesma na pinalalakas din ng PhilHealth ang PhilHealth Konsulta Package na kung saan maaaring kumonsulta ang mga miyembro sa mga accredited medical providers.