Mahigit P1 billion ang inilabas ng PhilHealth sa 51 ospital na may fraud cases sa pamamagitan ng kanilang interim reimbursement mechanism (IRM).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa mga anomaliya sa PhilHealth, ibinunyag ni House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor na P1.49 billion na IRM funds ang inilabas ng state health insurer sa mga ospital na may fraud cases.
Ikinabahala ito ni Defensor at sinabing hindi na dapat binibigyan ng pondo ang may fraud cases na mga ospital.
Ayon sa kongresista, 4,664 ang kabuuang bilang ng fraudulent cases mula 2013 hanggang 2020.
Sa naturang bilang 768 ang naitala noong 2013 hanggang 2018, habang 3,806 naman mula noong 2019 hanggang 2020.
Sa ngayon, suspendido na ang IRM system ng PhilHealth sa gitna ng mga reports hinggil sa iregularidad sa implementasyon nito.
Ang IRM ay isang mekanismo kung saan advance na binabayaran ng PhilHealth ang mga ospital at healthcare facilities para sa mga insurance claims para matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon sa gitna ng mga krisis.