-- Advertisements --

LD 1

Tumulak na patungong Visayas kahapon ang Philippine Navy Landing Dock BRP Davao Del Sur para ihatid ang locally stranded individuals (LSI) na matagal ding namalagi sa Metro Manila matapos magpatupad ng community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lieutenant Commander Maria Christina Roxas, alas-9:00 ng umaga nang maglayag ang barko mula sa Pier 13, South Harbor sa Maynila.

Sinabi ni Roxas nasa kabuuang 402 LSI ang tinulungan nilang makauwi sa probinsya gayundin ang tatlong repatriates mula India at Sri Lanka.

Hindi naman nakabiyahe ang iba pang LSI matapos magpositibo sa rapid test habang ang iba ay hindi na tumuloy dahil sa travel restrictions sa Cebu na nasa ilalim ngayon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Maliban dito, maghahatid din ang Philippine Navy ng mga personal protective equipment (PPEs) at medical supplies sa Iloilo at Cebu.

Inaasahang darating ang BRP Davao Del Sur sa Port San Pedro, Iloilo City ngayong araw.
Nasa 30 oras ang kabuuang biyahe ng BRP Davao del Sur.