Nagdadalamhati ngayon ang pamunuan ng Philippine Army kasunod ng pagkamatay ng walong sundalo matapos maaksidente ang sinasakyan nilang KM450 military vehicle sa Barangay Buenasuerte,Uson, Masbate.
Ayon kay Phil. Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad bukod sa walong sundalo na nasawi nasa anim na iba pa ang sugatan.
Ang mga biktima ay pawang mga personnel ng 2nd Infantry ‘Second to none’ Infantry Battalion.
Sinabi ni Trinidad nasa 14 na sundalo ang sakay sa nasabing military truck na may dalang mga supplies at patungo ang mga ito sa kanilang temporary patrol base sa Barangay Paguihaman subalit nangyari ang hindi inaasahang aksidente kung saan bumangga ang truck sa isang nakaparadang cement truck mixer.
Batay sa inisyal na report sumabog ang rear left tire o gulong ng truck na siyang naging sanhi na nawalan ng kontrol ang sasakyan.
Sa nasabing banggaan anim na sundalo ang on the spot na nasawi, habang ang dalawang iba pa ay nasawi habang ginagamot sa hospital.
Inihayag ni Trinidad na sa anim na sundalong nasugatan isa dito ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.
Habang ang limang iba pa na sugatan ay kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial Hospital.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay si Phil. Army Chief Commanding General Lt.Gen. Romeo Brawner sa pamilya ng walong sundalo.
Siniguro naman ni Brawner ang karapamtang tulong sa mga nasawi at maging sa mga sugatang sundalo.