-- Advertisements --
image 259

Hindi pa mangyayari sa ngayon ang pinangangambahang pag-phase out ng mga tradisyunal na dyip sa bansa.

Ito ang tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Subalit mangyayari pa rin ito na posibleng ipatupad sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon mula ngayon.

Ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, base sa 40 konsultasyong isinagawa ng pamahalaan, ang pangkalahatang daing ng sektor ng transportasyon ay ang phaseout ng traditional jeepney.

Subalit tiniyak naman ng opisyal na maaari pa ring pumasada ang jeepney drivers sa kanilang mga ruta basta’t roadworthy o ligtas bumiyahe ang kanilang sasakyan o pumasa sa basic tests ng Land Transportation Office (LTO).

Para naman aniya sa mga mawawalan ng kabuhayan sa oras na magsimula na ang PUV modernization program, may nakahandang social support program ang pamahalaan para sa matulungan ang mga madidisplace na mga tsuper.

Sa ngayon, nakatutok ang LTFRB sa pagkumpleto ng industry consolidation kung saan as of June 30, mahigit 63% o 100,349 ng mahigit 158,000 jeepney units ang consolidated na.

Ang phaseout ng traditional jeepneys at mandatoryong consolidation ng mga prangkisa bilang bahagi ng PUV modernization program ng pamahalaan ang dahilan ng pinaplanong 3 araw na tigil-pasada sa Lunes, Hulyo 24 o mismong araw ng SONA ni PBBM.