-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang isyu na kinasasangkutan ng Pharmally executives na nakakulong ngayon sa Senado.

Ito’y makaraang sabihin nina Mohit at Twinkle Dargani ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na may apat na abogadong kakatawan sa kanila sa mga susunod na hearing.

Pero nang dumalaw ang mga ito sa gusali ng Senado, nagpabago-bago ang pagpapakilala ng isang Atty. Daryll Ritchie Valles.

Una ay hindi raw nito inamin na dati siyang director ng isang tanggapan sa Malacanang, pero sa ikalawang pag-usisa ng mga kinatawan ng Senate Sergeant-at-Arms (OSSA) ay nagbago naman daw ito ng pahayag, kasabay ng pag-amin na dati siyang nagtrabaho sa naturang opisina.

Nagtataka tuloy si Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon kung bakit kailangang magkunwari o itanggi ni Valles na dati siyang nagtrabaho sa Office of the President

Aniya, ang pagtatangka na itago ang naturang impormasyon ay nagdulot ng pagdududa.

Maliban kay Valles, kinuha din ng magkapatid na Dargani ang iba pang abogado na si Atty. Don Kapunan at Demetri Felix, habang ang ika-apat ay kinakausap pa para sa ilang konsiderasyon.

Nabatid na sumulat ang dalawa kay Gordon at hinihiling na ibigay ang pasaporte at cellphone sa kanilang ina.

Giit nila, walang batayan ang pagkuha ng OSAA sa kanilang mga personal na kagamitan.