-- Advertisements --
image 709

Inaasahan na ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na magtatagal ang pagbabayad ng hospital dues matapos tamaan ng Medusa ransomware ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ikinalungkot ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano ang bilyun-bilyong claim ng ospital na hindi pa babayaran ng state health insurer sa Disyembre, gaya ng ipinangako ng PhilHealth president at CEO na si Emmanuel Ledesma Jr.

Aniya, kaugnay ng naganap na cyberattack, asahan na umano ang mas delay na pagbabayad ng Philhealt sa mga ospital.

Nauna nang ibinunyag ni De Grano na hindi pa nababayaran ng PhilHealth ang mahigit P10 bilyon na claim sa mga pribadong ospital.

Aniya, patuloy na tumataas ang hindi nababayarang claims habang patuloy na dumarating ang mga pasyente sa araw-araw.

Gayundin, hindi maaaring tumanggi ang mga pribadong ospital na tumanggap ng mga pasyente at hindi rin sila maaaring magbigay ng benepisyo ng PhilHealth dahil maaaring magdusa ang mga pasyente.

Paliwanag ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. president, partikular na makakaapekto ang delayed payment sa mga maliliit na ospital kaysa sa mas malalaking ospital na karaniwang may buffer funds.