-- Advertisements --
NTF ASTRAZENECA COVAX WHO
IMAGE | KLM Royal Dutch Airlines flight unloading the batch of AstraZeneca vaccines donated by some European countries to the WHO-lead COVAX facility/NTF, Facebook

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na tuloy pa rin ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca dito sa Pilipinas.

Pahayag ito ng mga ahensya, matapos ipahinto ng ilang bansa sa Europe ang pagbabakuna gamit ang British vaccine dahil sa mga ulat na nagkaroon ng blood clot o pamumuo ng dugo ang ilang naturukan sa Denmark, Norway, at Iceland.

“At present, the DOH and FDA emphasize that there is no indication for the Philippines to stop rollout of AstraZeneca vaccines,” ayon sa statement.

Patuloy daw ang koordinasyon ng mga ahensya sa National Task Force against COVID-19 at tiniyak na babantayan din ang mga dineploy na bakuna.

Una nang sinabi ng European Medicine Authority na iniimbestigahan na nila, pati ng health authorities ng mga nabanggit na bansa, ang mga ulat ng blood clot.

Pero sa ngayon, wala pa rin daw indikasyon para sabihin na ang bakuna nga ng AstraZeneca ang nagdulot sa pamumuo ng dugo ng mga nabakunahan dahil hindi rin umano ito naka-lista sa mga side effect ng vaccine.

Ayon sa EMA, mas matimbang pa rin ang benepisyo ng AstraZeneca vaccine kumpara sa panganib na posibleng idulot nito. Gayunpaman, inaaral daw nila ang naturang insidente pati na ang iba pang napaulat na post-vaccination cases gamit ang bakuna ng AstraZeneca.

“The position of EMA’s safety committee PRAC is that the vaccine’s benefits continue to outweigh its risks and the vaccine can continue to be administered while investigation of cases of thromboembolic events is ongoing,” ayon sa European agency.

“PRAC is already reviewing all cases of thromboembolic events, and other conditions related to blood clots, reported post-vaccination with COVID-19 Vaccine AstraZeneca.”

Kamakailan nga nang matanggap ng Pilipinas ang 525,600 doses ng British vaccine mula sa COVAX Facility ng World Health Organization.

Batay sa datos ng DOH, as of March 10, 1.3% o 12,788 mula sa 114,615 na nabakunahan sa bansa, ang nabigyan ng AstraZeneca vaccines.

As of March 9 naman, 86 adverse events following immunization o side effect ang naitala sa mga nabakunahan ng naturang bakuna. Mula sa kanila 85 ang non-serious na side effect, habang isa ang natukoy na nagka-seryosong side effect.