Positibo ang Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines na malaki ang kanilang tsansa na magtagumpay sa kanilang kampanya sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay Skateboarding president Monty Mendigoria, tiwala ito sa kakayahan ng kanilang koponan dahil isa sila sa mga powerhouse teams sa buong Southeast Asia.

Gayunman, aminado si Mendigoria na dugo’t pawis ang kailangan nilang ibuhos upang makamtan ang inaasam-asam na gintong medalya.

Nabatid na walong ginto ang nakataya sa tatlong events ng skateboarding para sa men’s at women’s category.

Samantala, hindi pa isinasapubliko ni Mendigoria ang final list ng Pinoy skaters hangga’t hindi pa lumilipas ang deadline ng submission ng mga pangalan sa SEA Games Federation.

Pero pagtitiyak ng sports official, kasama ang Asian Games gold medalist na si Margielyn Didal sa kanilang 11-man roster.