CAUAYAN CITY – Hindi muna magpapadala ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga nurse sa Saudi Arabia.
Ito’y hangga’t hindi nila naipapaliwanag ang pagpapalibing sa apat na Overseas Filipino Workers (OFW) na namatay dahil sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niya na tinawagan niya ang ambassador ng Saudi Arabia at nagprotesta sa hindi pag-abiso sa kanila nang ipalibing ang apat na OFW na namatay dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Labor Secretary Bello na nakatakda sanang ipadala ng DOLE ang 600 nurses bilang bahagi ng Government to Government Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia ngunit kanilang binawi muna.
Nagreklamo kasi sa kanilang tanggapan ang mga pamilya ng mga namatay na OFW.
Ayon kay Bello, sinabihan na niya ang Philippine Overseas Employment Administration na huwag munang magpadala ng mga health workers sa Saudi Arabia hangga’t wala itong paliwanag sa kanilang ginawa.