-- Advertisements --

Naka-alerto at mahigpit na binabantayan ngayon ng Bureau of Quarantine ang lahat ng mga pantalan at paliparan sa bansa bilang tugon sa mga ulat hinggil sa umano’y misteryosong sakit na sinasabing nanggaling sa China.

Sa isang statement, sinabi ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na kanya nang inatasan ang quarantine bureau na higpitan pa lalo ang pag-check sa lahat ng mga papasok na mga bakasyonista sa bansa lalo na iyong mga may lagnat at nakikitaan ng sintomas ng respiratory infection.

Ayon sa DOH, batay sa mga reports, 44 indibidwal na ang apektado sa China dahil sa outbreak ng isang misteryosong sakit.

May pagkakapareho raw ang sakit na ito sa “viral pneumonia of unknown origin.”

Kaya naman hinihimok ni Duque ang publiko, lalo na ang mga nanggaling sa China, na magpakonsulta kaagad sakaling may nararanasang sintomas ng flu.