Kinumpirma ng Philippine Navy na intensiyonal na hinaharang ng China ang communications signal ng mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ginagawa na aniya ito sa loob ng 3 o 4 na taon.
Ayon kay Commodore Roy Vincent Trinidad, PN spokesperson for West Philippine Sea, nagkaroon ng pagtaas sa mga insidente ng electronic interference o jamming ng China hindi lamang sa mga kagamitan ng mga barko ng PH kundi maging sa land-based communications equipment.
Ang naturang interference ayon kay Comm. Trinidad ay karaniwang namomonitor tuwing naghahanda ang PH ng resupply missions sa mga isla na sakop ng bansa sa WPS kabilang ang Ayungin shoal at Pag-asa island.
Subalit, minimal lamang aniya ang epekto ng signal jamming sa mga operasyon ng Hukbong dagat ng PH dahil madali lamang itong narersolba.
Mayroon din aniyang ipinapatupad na protocols ang Navy para matiyak na ang kanilang linya ng komunikasyon ay ligtas.
Matatandaan na nitong weekend, inakusahan ng PCG ang CCG ng pagharang sa signal ng BRP Datu Sanday, ang barko ng BFAR habang nagdadala ito ng fuel assistance sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc noong Pebrero 22.
Tiniyak naman ng PH navy na walang sekreto ng Estado ang nakompormiso sa kabila ng namonitor na signal interference ng China.
Samantala ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, ito na ang ikatlong pagkakataon na napansin na sa tuwing lalapit ang PCG at BFAR vessels sa tinatayang 15 hanggang 20 nautical miles ng Bajo de Masinloc, nawawala ang Automatic Identification System (AIS) signal ng mga Chinese vessels kayat hindi mamonitor ang galaw ng mga ito at kapag sinusubukan na makipag-communicate ng panig ng PH sa mga Chinese Coast Guard para makumpirma kung naka-on ang kanilang AIS ay hindi nila ito mamonitor.
Tinukoy naman ni Comm. Tarriela ang 2 posibleng dahilan kung bakit nagsasagawa ng signal jamming ang mga barko ng China.