-- Advertisements --

Nanawagan ang Pilipinas ng paggalang sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award sa WEst Philippine Sea sa nagpapatuloy na Code of Conduct (COC) negotiations sa pagitan ng ASEAN at China na ginanap sa Maynila noong Abril 9-11.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), iginiit ng bansa ang mapayapang resolusyon sa mga sigalot sa West Philippine Sea, lalo na sa mga insidenteng naglalagay sa panganib sa mga barko at tauhan ng Pilipinas, gayundin sa mga aksyong lumalabag sa soberanya at karapatang-pantubig ng bansa.

Tinatalakay sa pulong ang mga bahagi ng Draft Code of Conduct (COC), kabilang ang mga “milestone issues,” na layong maiwasan ang tensyon at girian sa rehiyon. Bahagi ito ng layunin ng ASEAN at China na makabuo ng makabuluhan at epektibong Code of Conduct (COC) negotiations sa lalong madaling panahon.

Ang pulong ay pinangunahan ng Malaysia at China bilang co-chair, habang host naman ang Pilipinas. Nakipagpulong din ang mga delegado sa ilang opisyal ng pamahalaan at mga eksperto sa seguridad-pandagat.

Bagamat ibinasura ng arbitral tribunal sa The Hague ang malawak na pag-angkin ng China sa WPS noong 2016, patuloy pa rin ang agresibong pagkilos nito sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Itinulak din ng Pilipinas ang mas aktibong diplomatic engagement para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Gaganapin ang susunod na round ng negosasyon sa Malaysia ngayong taon, habang Pilipinas naman ang magiging ASEAN chair sa 2026. (report by Bombo Jai)