-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Health (DOH) na nananatili pa rin sa low risk ng COVID-19 ang bansa sa kabila ng naitalang bahagyang pagtaas sa mga kaso.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario vergeire, nangangahulugan ito na ang average daily attack rate ay nananatiling mas mababa sa isa sa kada 100,000 populasyon.

Iniulat ng health official na nakapagtala ang bansa ng bagong 3,198 kaso mula June 14 hanggang June 20 na may 456 kaso kada araw, halos kasing-taas ng bilang ng bagong kaso na naitala noong ikalawang linggo ng buwan ng Pebrero na nasa 466 kaso kada araw.

Nakitaan din ng pagtaas ang positivity rate sa bansa sa 3.1%.

Sa ngayon, wala pa aniyang katiyakan kung aabot hanggang sa 10,000 ang kaso ng COVID-19 kada araw.

Sublit ito aniya ay mapipigilan sa pamamagitan ng patuloy na pagsusuot ng face mask ng publiko, pagsunod sa safety protocols at pagpapabakuna laban sa virus.