Makasaysayan ang naging pagbubukas ng Fiba World Cup 2023 sa Pilipinas nang makapagtala ito ng attendance record na umabot sa
38,115 fans sa loob ng Philippine Arena noong Biyernes.
Ang mga Pinoy, na dumating upang mag-rally sa 1st game ng Gilas Pilipinas laban sa Karl-Anthony Towns-led Dominican Republic, ay dumating sa 55,000-capacity Arena upang basagin ang dating pinakamataas na record ng attendance na naganap sa isang laro noong 1994 World Cup Finals sa Toronto, kung saan nasaksihan ng 32,616 fans ang pagkapanalo ng USA na pinamunuan ng Shaquille O’Neal laban sa Russia.
Samantala bahagi naman ng record-breaking crowd si Pangulong Ferdiand ‘Bongbong’ Marcos na nanood sa unang Group A game ng Gilas Pilipinas laban sa Dominican Republic sa ikalawang hosting ng bansa sa World Cup pagkatapos ng 1978 edition sa Manila.
Naroon din sina Dirk Nowitzki at ang Fiba Central board sa makasaysayang gabi gayundin sina Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio at chairman emeritus Manny V. Pangilinan, PBA chairman Ricky Vargas, San Miguel Corporation’s Ramon S. Ang at Al Francis Chua.
Una na rito, matatandaan na hawak pa rin ng PBA ang pinakamataas na rekord ng attendance sa Philippine Arena matapos masaksihan ng 54,589 na tagahanga ang championship ng Barangay Ginebra laban sa Bay Area Dragons sa Game 7 ng 2022 Commissioner’s Cup Finals noong Enero 15.