-- Advertisements --

Ginulat ng Team Pilipinas ang Israel (22nd) matapos na maitabla ang laban sa 2-2 score sa Round 6 sa nagpapatuloy na 44th World Chess Olympiad sa India.

Sa ngayon nasa ika-24 na puwesto ang 52nd ranked na Pilipinas mula sa mahigit 100 mga bansa.

Hawak ng mga Pinoy ang score na 9 matchpoints, may tatlong puntos ang agwat mula sa nangungunang team.

Nasilat ni GM Rogelio Barcenilla sa Board 2 si GM Nabaty Tamir ng Israel.

Ito ay upang iganti ang pagkatalo sa Board 4 ni GM Paulo Bersamina laban naman kay GM Postny Evgen.

Samantala nagkasya rin sa draw ang game nina GM Mark Paragua at GM Darwin Laylo.

Sa latest standing, nabago na rin ang mga top leaders kung saan nangunguna na ang Armenia na may 12 matchpoints na sinusundan ng US habang bumagsak sa 3rd place ang India 2.