MANILA – Nagkasundo na ang pamahalaan ng Pilipinas at US-based pharmaceutical company na Moderna para sa alokasyon na 13-million doses ng kanilang COVID-19 vaccines.
Sa isang statement, sinabi ng Moderna na pumasok sa “supply agreement” ang kanilang kompanya at gobyerno ng Pilipinas.
“Under the terms of this agreement, deliveries would begin in mid-2021.”
Bukod sa 13-million doses, may inaasahan pa raw na hiwalay na 7-million doses ng Moderna vaccine sa ilalim ng kasunduan ng pamahalaan at private sector.
Hindi pa nagpapasa ng aplikasyon para sa emegency use authorization (EUA) ng kanilang bakuna ang Moderna.
“The company will work with regulators to pursue necessary approvals prior to distribution.”
Ayon kay Moderna CEO Stéphane Bancel, malaki ang pasasalamat nila sa pagtitiwala ng Pilipinas at private sector sa dinevelop nilang bakuna para malabanan ang COVID-19.
“We remain committed to making our vaccine available on every continent to help end this global pandemic.”
Una nang sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nakikipag-usap pa ang kanilang hanay sa Moderna para makarating sa bansa ang vaccine supply sa ikalawang quarter ng taon.
Gawa sa messenger-RNA (mRNA) platform ang bakuna ng Moderna, na katulad ng sa Pfizer-BioNTech.
Mangangailangan naman ito ng -25 hanggang -15 degree celsius na cold storage facility.
Batay sa resulta ng Phase III clinical trials, lumalabas na 94% ang efficacy rate ng Moderna vaccine para maagapan ang symptomatic infection sa COVID-19.