Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malakas ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) countries lalo na sa kampanya laban sa terorismo.
Ayon kay AFP Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, lalo pang lumakas ang kanilang relasyon at koordinasyon sa mga bansang miyembro ng ASEAN partikular sa Malaysia at Indonesia.
Bukod aniya sa intelligence sharing, may taunang joint border patrol ding isinasagawa ang Pilipinas sa dalawang bansa.
Ibinunyag din ni Padilla na ilan sa mga foreign terrorist na namonitor ng militar sa Mindanao ay mga Malaysian at Indonesian.
Sa ngayon ay mga koordinasyon na raw silang ginagawa sa mga nasabing bansa para matukoy ang mga identities ng mga terorista.
Pagtiyak ng heneral na gagawin nila ang lahat para ma-neutralize ang mga banyagang terorista na nakapuslit sa bansa at umano’y tumutulong sa teroristang Maute.