Magsisilbing host ang Pilipinas sa gaganaping International Nuclear Supply Chain Forum ngayong taon.
Nakatakda ito mula November 13 hanggang Nov. 15.
Ayon sa Department of Energy, ang hosting ng Pilipinas ay isa sa mga unang hakbang ng ginagawa nitong transisyon para sa nuclear energy program nito.
Inaasahang dadalo rito ang mga bansang may malawak na karanasan sa nuclear energy tulad ng United States, Canada, France, Japan, South Korea, at iba pang mga bansa na gumagamit ng nuclear energy.
Ang mga ito ay nakatakdang magbahagi ng kanilang ginagamit na teknolohiya at kaalaman ukol sa nuclear energy.
Maliban sa kinatawan ng mga naturang bansa, inaasahan ding dadalo ang mga kinatawan ng mga international companies na nakapokus sa nuclear supply chain, power generation companies, government agencies, akademiya, at iba pa.
Maaalalang ngayong linggo ay nagkasundo ang DOE at isang South Korean firm para pagsasagawa ng feasibility studies sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Titingnan sa naturang planta kung maaari pa itong magamit at kung ligtas pa ito para sa posibleng operasyon.