-- Advertisements --

Aminado si Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi pa kaya ng Pilipinas sakaling magkaroon ng mainit na hidwaan sa pagitan ng estado ang Chinese vessels sa West Philippine Sea.

Ito ang tugon ng kalihim nang usisain ng mga kongresista sa 2020 national budget hearing ng House Committee on Appropriations ngayong araw para sa Department of National Defense.

Tinanong ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang kalihim hinggil sa kakayahan ng bansa sakaling magsagupaan ang mga barko ng estado at China.

Sa kabila ng paglalahad, sinabi ni Lorenzana na malaking tulong kung aaprubahan ng Kongreso ang pondong inilalaan ng kagawaran sa modernization program nito.

Sa ilalim kasi ng panukalang P258-billion budget, target ng Defense department na mag-angkat ng mga bagong gamit para sa hanay ng seguridad.

Sa nakalipas na mga buwan naulat ang iba’t-ibang aktibidad ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Kabilang dito ang presensya malapit sa Pag-asa Island at pagdaan sa Sibutu Strait, Tawi-Tawi.

Nagbunsod ito ng utos ni Duterte sa foreign vessels na kumuha ng clearance bago dumaan sa karagatang sakop ng Pilipinas.