-- Advertisements --

Sinimulan na ng pamahalaan na magtayo ng sariling strategic petroleum stockpile sa Pilipinas matapos maapektuhan ang suplay at presyo ng langis dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang digmaan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos ay nagpakita ng pangangailangan para sa mas matatag na energy security ng bansa, na lubos na umaasa sa imported na langis.

Sa ilalim ng plano, itatayo ang mga pasilidad ng Philippine National Oil Company (PNOC) upang mag-imbak ng reserbang langis na lalampas sa kasalukuyang imbentaryo ng mga pribadong kumpanya.

Layunin nitong makapagbigay ng dagdag na buffer sa supply ng bansa sa oras ng krisis.

Tinatayang aabot sa 500,000 barrels ang unang stockpile na may halagang humigit-kumulang P5 billion, kasama ang pagtatayo ng mga tangke, pipeline, pantalan, at iba pang pasilidad.

Ayon sa DOE, nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa PNOC at Maharlika Investment Corp. upang matapos ang kasunduan sa loob ng buwan, kasunod ang feasibility study at site evaluation.

Plano rin ng gobyerno na palakihin ang reserba upang madagdagan ang kasalukuyang 30 hanggang 60 araw na imbentaryo ng mga pribadong kumpanya, at magdagdag pa ng humigit-kumulang 30 araw na buffer stock.