Pinuna ni House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima ang pahayag ni Sen. Robin Padilla na ikinumpara ang kanyang mga naunang kaso sa kasong kinakaharap ngayon ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa International Criminal Court (ICC).
Sa naunang pahayag ni Padilla, sinabi niyang magkaiba ang sitwasyon ng nina De Lima at Dela Rosa dahil si De Lima aniya ay iniuugnay umano sa mga drug lord habang si dela Rosa naman ay may kaugnayan sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Buwelta ng kongresista sa senador, na hindi dapat ikumpara ang kanilang mga kaso.
”Excuse me, Sen. Robin. Huwag nyo nga akong gamitin sa baluktot nyong naratibo. Acquitted na ako sa hinarap kong mga gawa-gawang kaso,” ani De Lima.
Pinuna rin ng dating mambabatas ang umano’y pagtakas ni Dela Rosa noong Mayo 14, kasunod ng posibleng pag-aresto sa Senador, at kinuwestiyon din niya ang naging papel ng senador noong nawala si Bato.
”Napakalayo ng sitwasyon ko sa pinasakay mong fugitive from justice na si Sen. Bato,” giit pa ng mambabatas.
”Saka neutralizing drug lords talaga? Sabihin nya yan sa pamilya ng libo-libong biktima ng EJK,” dagdag niya.
Matatandaang nakulong si De Lima noong Pebrero 2017 at nakalaya matapos payagang makapagpiyansa noong Nobyembre 2023. Noong Hunyo 2024, tuluyan siyang napawalang-sala sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Samantala, una nang sinabi ng ICC na iniuugnay si Sen. Bato bilang umano’y kasabwat sa pagpapatupad ng madugong kampanya kontra ilgal droga ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Habang nagpapatuloy ang pagtugis sa senador, nananatiling hindi pa nakikita sa publiko si Dela Rosa matapos umano itong umalis sa protective custody ng Senado matapos ang nangyaring shooting incident sa loob ng Senado noong Mayo 13, 2026.
















