Kailangan umanong maging agresibo ang gobyerno na mahikayat ang mga dayuhang manufacturer na nakaambang umalis ng China, kaysa mapunta pa ito at magbigay ng trabaho sa ibang panig ng Asya pag nalampasan na ang COVID-19.
Ito ang inihayag ni Senate committee on economic affairs chair Sen. Imee Marcos, na nagsabing nagbabalak na ang Japan, United States at European Union na ilipat ang produksyon ng kanilang mga kinakailangang produkto dahil sa naging kakulangan ng supply mula China bunsod ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Marcos, mismong mga Chinese manufacturer ay nagpaplano na ring ilipat sa mga kalapit-bansa nito ang kanilang negosyo para makaiwas sa mataas na bayad sa taripa na ipinatutupad ng U.S. sa China-made products para sa mga American company tulad ng Apple, Google at Microsoft.
“Ang Pilipinas ay mayroong mahuhusay na mga manggagawa at mas marunong sa wikang Ingles kaysa ibang taga-Asya, pero kinakailangang maging mabilis at masusing pag-aralan ng ating mga economic manager ang mga insentibong alok ng Vietnam, Thailand, Malaysia at Indonesia na nakalalamang sa bansa sa paghikayat ng mga dayuhang investor,” ani Marcos.
Kaugnay nito, itinutulak ni Marcos ang Senate Bill 1024 na mag-aamyenda sa Foreign Investment Act para makapagtatag ng Investments Promotion Council at makapagdagdag pa ng mga matagal nang na-delay na mga insentibo para sa mga dayuhang investor.
Kabilang sa mga insentibong nakapaloob sa Marcos bill ang pagtaas ng foreign ownership limit, pagbaba ng USD2.5-million na kailangang kapital para makapagsimula ng kanilang negosyo, pagpapadali sa pagkuha ng mga permit ng pamahalaan at gawing kasong kriminal ang anumang mga pagkakamaling may kinalaman sa pagkuha nito.
“Ang umuusbong na takbo ng ekonomiya sa mundo dahil sa COVID-19 ay isa ring panawagan para balikan ang CITIRA (Corporate Income Tax and Incentives Reform Act),” ani Marcos, na nagsabing nauunahan na ng mga karatig bansa ang Pilipinas sa panukala nitong amyendahin mula 30% pababa sa 20% sa loob ng sampung taon ang corporate income tax o buwis ng mga kumpanya.
Sinabi ni Marcos na ang Indonesia ay magtatapyas na ng corporate income tax mula 25% hanggang 20% sa susunod na taon.
Giit ni Marcos, dapat bilisan ng pamahalaan ang pagkilos at manmanan ang galaw ng ibang bansa tulad ng India na matinding karibal ng Pilipinas sa manufacturing at business process outsourcing o BPO, na nagtatapyas na ng corporate taxes o buwis ng hanggang 15% at aktibong nakikipagnegosasyon sa mga Japanese investor at mga grupo ng negosyante.
“Ang dapat maging resulta ng CITIRA bill ang mapigil ang mga manufacturing companies na umalis sa ating mga export zone, at maging daan para masamantala ang nakaambang pag-alis ng mga pabrika sa China,” ayon kay Marcos.