Nakikipagdayalogo na ang gobyerno ng Pilipinas sa Amerika para makakuha ng suplay ng bakuna kontra sa sakit na monkeypox.
Ito ay kasunod ng pagkaka-detect ng unang kaso ng zoonotic disease dito sa bansa na kinumpirma ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Beverly Ho, piling pangkat ng populasyon na kailangang mabakunahan ang uunahin dahil wala pang gaanong available na suplay ng naturang bakuna sa ngayon sa merkado.
Paliwanag din ng DOH official na hindi tulad ng COVID-19 na kailangan lahat ng populasyon ay mabakunahan sa monkeypox ay piling populasyon lamang.
Una rito, ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention, wala pang specific treatment para sa monkeypox subalit maaaring gamitin ang antiviral drugs at vaccines na na-develop para sa smallpox para magamot ang viral disease.
Nitong Biyernes, July 29, iniulat ng DOH na isang 31-anyos na Pilipino ang dinapuan ng monkeypox na dumating mula abroad noong July 19.
Kasalukuyang sumasailalim ngayon ang pasyente sa istriktong isolation at monitoring sa kanilang tahanan.
Maalala na idineklara ng World Health Organization ang monkeypox bilang public health emergency of international concern kung saan ang sintomas nito ay lagnat, pananakit ng ulo, panghihina ng kalamnan, at mga pantal.
Ayon sa WHO, ang monkeypox virus ay naihahawa mula sa hayop na naita-transmit sa tao at human to human sa pamamagitan ng close contact sa isang nahawaang tao na may sugat, sa pamamagitan ng body fluids, respiratory droplets at mga kontaminadong materyales tulad ng beddings.