MANILA – Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi maaapektuhan ng sitwasyon sa India ang COVID-19 vaccine supply na inaasahan ng Pilipinas mula sa naturang bansa.
“Flexible ang mga plano natin so that we can be able to adopt and adjust if ever there are these kinds of things that will happen,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nitong Lunes nang aminin ng Philippine Embassy sa India na aabot sa 8-million doses ng bakunang Covaxin ng Bharat Biotech and ide-deliver sa bansa sa katapusan ng Mayo.
Bukod pa ito sa 30-million doses ng Novavax COVID-19 vaccine, na in-order ng pamahalaan at ihahatid ngayong taon.
Pero ayon kay Vergeire, dahil malala ang pagsirit ng coronavirus cases sa naturang bansa, nag-desisyon ang Indian government na itigil muna ang paghahatid ng mga bakunang in-order sa kanila ng iba’t-ibang estado.
“Ang ating plano ay nagkaroon ng nag-restrategize yung vaccine cluster on how we can be able to aportion yung mga dadating na bakuna supposedly.”
“But because of what’s happening in India, nagkaroon ng redistribution nung mga dapat na bakunang dadating by May to July because of this issue.”
Simula April 29 hanggang May 14, ipapatupad ang travel ban ng Pilipinas sa India. Ito ay para maiwasan din ang pagpasok sa bansa ng B.1.617 o tinaguriang “Indian variant.”
Ayon kay Vergeire, bagamat nasa kategorya pa lang na “variant under investigation” ang B.1.617, kailangan ng alertuhin ang mga border ng bansa para maiwasan ang presensya ng “double mutant” na bagong variant ng virus.
“Mag-iingat tayo kasi nakikita na natin yung nangyari sa kanila (India) at ayaw na nating magkaroon ng enabler yung variants na pumasok sa ating bansa para makapag-cause pa ng further transmission ng sakit.”
“No matter what type of variant there may be, whether mas nakakapekto sa katawan ng tao, kailangan natin ipatupad ang mga ginagawa na natin dito sa bansa. We comply with the minimum health standards, we do what we can, and get vaccinated.”