MANILA – Umalma ang Alliance of Health Workers (AHW) sa anunsyo ng Food and Drug Administration (FDA) na naglilimita sa medical frontliners na tumanggap ng coronavirus vaccine na gawa ng kompanyang Sinovac.
Nitong araw nang gawaran ng FDA ng emergency use authorization (EUA) ang bakuna ng Chinese company matapos ang higit isang buwan na aplikasyon.
Pero paliwanag ng ahensya, hindi inirerekomendang iturok sa healthcare workers ang CoronVac vaccine ng Sinovac dahil mababa ang efficacy rate nito nang gamitin sa Phase III clinical trials.
“Ang nakita sa trials sa Brazil na binigay sa mga healthcare workers na nagta-trabaho sa mga ospital na nagte-treat ng COVID-19 ay 50.4% na efficacy rate. Mas mabuti na yon kaysa wala, pero ang recommendation ng ating mga experts ay hindi ito ang pinakamagandang bakuna sa kanila,” ani FDA director general Eric Domingo.
Sa isang text message sinabi ni AHW national president Robert Mendoza na katanggap-tanggap naman para sa mga scientists ang efficacy rate ng mga bakuna na higit 50%. Kaya dapat na sundin ng pamahalaan ang itinakda nitong priority list na mabakunahan.
“Yung 50.4% ang efficacy, nasa normal naman yung value according sa mga scientists. Bakit naiiba na naman yung bibigyan ng COVID-19 vaccine,” ani Mendoza, na isang registered midwife.
“Dapat tumupad ang gobyerno doon sa naunang plano for the prioritization kung sino ang uunahing babakunahan. Kung free, safe, at effective naman ang Sinovac.”
Sa ilalim ng Philippine National and Deployment Plan for COVID-19 vaccines ng National Task Force against COVID-19, ang mga healthcare workers sa mga ospital, quarantine/isolation facilities, barangay, at national government agencies ang pinaka-una sa priority list.
Sumunod ang mga senior citizen, indigent population, at uniformed personnel.
Sinabi ng Malacanang na baka palitan muna ng pamahalaan ang priority list pagdating sa bakuna ng Sinovac, kung saan uunahin ang mga sundalo, pulis, at economic frontliners.
Ayon sa Department of Health, magpupulong bukas ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) para pag-usapan ang priority list ng Sinovac vaccine.
“Prioritization framework will remain the same, however we will follow the EUA provisions of each vaccine.”