-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na gobyerno ang may responsibilidad sakaling magkaroon ng seryosong side effect sa mga Pilipino ang 600,000 doses ng Sinovac vaccines na donasyon ng China.

“Considering that all these vaccines are under development, tayo ay tumanggap ng bakuna under EUA (emergency use authorization), ang gobyerno ang may pananagutan para sa mga adverse events na mangyayari,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Huwag lang mayroong gross negligence sa side ng manufacturer and the healthcare worker.”

Kamakailan nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act.

Sa ilalim nito, may probisyong naglalaan ng P500-million na national indemnity fund. Kukunin ito sa contingent fund ng P4.5-trillion national budget.

“Mayroon ding clause diyan na nakalagay that there is wavering of liability against the healthcare worker, manfucturer, those officials na nag-process base dito sa pagbibigay natin ng bakunang ito.”

“Ang gobyerno ang sasagot, magpapagamot, magbabantay, at tutulong sa mga magkakaroon ng adverse event.”

Bukod sa naturang batas, isinusulong din ngayon sa Kamara at Senado ang hiwalay na batas para sa indemnification o bayad danyos sa mga makakaranas ng seryosong side effect sa kahit anong bakuna ng pamahalaan.

Nitong araw inamin ni Vergeire na 13 adverse event following immunization ang naitala mula sa 765 na indibidwal na nakatanggap ng first dose ng Sinovac vaccine.

Pero lahat ng naitalang side effect sa bakunahan kahapon ay karaniwan, at wala namang kinailangan i-admit sa ospital.