Dapat na umanong magpataw ang Philippine government ng price cap sa mga produktong petrolyo, sa gitna ng mga serye ng double-digit price hike.
Ayon kay dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) OIC at economist, Prof. Emmanuel Leyco, panahon na upang magpataw ng price cap ang pamahalaan upang mapigilan na lalo pang tumaas ang presyo ng langis sa local market.
Giit ng ekonomista, kayang-kaya itong gawin ng pamahalaan, bilang bahagi ng pag-regulate sa presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo ngayon at tuluyan nang idineklara ang National State of Energy Emergency.
Ayon pa kay Prof. Leyco, ang napapanahong pagpataw ng price hike ay malaking bentahe para sa mga consumer, ngayon ay wala pa ring kasiguraduhan ang itatakbo ng global market dahil sa nagpapatuloy na giyera.
Maliban sa tatlong petroleum products na gasolina, krudo, at kerosene, maaari rin aniyang ipataw ang price cap sa iba pang petroleum-based products
Mas akma aniya ang ganitong tugon ng PH government kaysa magpokus lamang sa pamamahagi ng cash assistance, lalo at hindi rin sapat ang hanggang P5,000 na ayuda, kung magtutuloy pa rin ang giyera hanggang sa mga susunod na buwan.
Kung babalikan, tatlong magkakasunod na lingo nang nagpatupad ng double-digit price hike ang petroleum companies, mula noong nagsimula ang giyera sa Gitnang Silangan.
















