-- Advertisements --

MANILA – Hindi raw mamadaliin ng Pilipinas ang clinical trial para sa mix and match ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Ayon sa Department of Health, nag-pulong na ang all expert panel ng ahensya matapos aprubahan sa Germany ang pagtuturok ng AstraZeneca at mRNA vaccines bilang una at ikalawang dose.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hinihintay pa nila ang report ng manufacturers ng mga bakunang ginamit sa pag-aaral.

Pero sa ngayon ang inirerekomenda raw ng mga Pilipinong dalubhasa ay ang mix and match ng mga bakunang may parehong platform.

“There are mRNA, viral vector vaccines, at iba pa,” ani Vergeire.

Bukod sa ulat ng vaccine manufacturers, hinihintay din daw ng DOH ang resulta ng isang malaking pag-aaral sa vaccine mix and match na nakatakdang ilabas sa ikatlong quarter ng taon.

Pati na ang mga datos tungkol sa pag-aaral ng bakuna sa mga bata.

Binigyang diin ni Vergeire na sa ilalim ng emergency use authorization ng mga bakuna sa Pilipinas, hindi pa inirerekomenda ang mix and match.

Gayundin ang pagbabakuna sa mga menor de edad, matapos simulan ng Indonesia ang pagtuturok ng Sinovac vaccines sa mga bata. – with report from Christian Yosores