-- Advertisements --
image 285

Iniulat ng Philippine Embassy sa Morocco ngayong araw na walang mga Pilipino ang nasawi matapos tumama ang malakas na lindol sa Morocco noong gabi ng Biyernes.

Ayon kay Philippine Ambassador to Morocco Leslie Baja, walang seryosong naapektuhan mga Pilipino na nasa North African country dahil ayon sa envoy agad na nakalabas ang mga Pilipino mula sa kanilang bahay at apartments patungo sa mga kalsada para humanap ng ligtas na lugar.

Sinabi din ng PH envoy na agad tinawagan ng embahada ang mga area coordinator upang suriin ang sitwasyon ng mga Pilipino sa buong Morocco matapos ang pagtama ng 6.8 magnitude na lindol.

Tiniyak naman ng embahada na nakaantabay sila kasama ang migrant office sa Rabat at makikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs kaugnay sa anumang tulong na maaaring maipaabot sa mga Pilipino doon.

Nag-abiso naman ang Embahada sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong na tumawag lamang sa kanilang hotline at social media acounts.