Ipinakilala ng delegasyon ng Pilipinas sa mga kalahok ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum ang Maharlika Investment Corp., na siyang mangangasiwa sa Maharlika Investment Fund.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, nabanggit nila ang MIF sa sidelines ng APPF.
Nakikita kasi ng mga banyagang mambabatas na napakasigla ng ekonomiya sa Pilipinas, isang indikasyon na maganda mamuhuhan sa Pilipinas.
Si Speaker Romualdez ay co-chairman ng taunang pagpupulong katuwang ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ayon kay Speaker Romualdez, marami sa kanyang mga nakausap ay nagpahayag ng interes na muling bumisita sa Pilipinas.
Pormal ng naupo si Rafael Consing Jr. bilang kauna-unahang pangulo at chief executive officer ng Maharlika Investment Corp. (MIC).
“Tuwang-tuwa lahat eh. Mamaya makikita mo diyan sa dinner. Madaming gustong bumalik. Kung gusto mo bumalik, ibig sabihin gusto mo ‘yung nakikita mo at ‘yung naranasan ninyo. Kaya tama talaga ‘yung sinasabi namin ni Presidente ‘the Filipino people are the best’,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Ayon sa lider ng Kamara, ang best asset ng Pilipinas ay ang mga Pilipino.
“’Yung hospitality, ‘yung respeto, yung accommodations, ‘yung nakita mo naman e, napaka maayos ‘yung preparasyon, ‘yung arrangements, seamless, masipag, overtime performance, top performing…nagugulat sila. Kumpleto talaga ‘yung Pilipino from everything, from education, arts, from industry, lahat po nasa atin na,” dagdag pa nito.
Muli ring iginiit ni Speaker Romualdez sa mga lumahok sa Forum ang foreign policy mantra ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “A friend to all and an enemy to none.”
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Speaker Romualdez na maraming bansa sa Asia-Pacific region ang susuporta sa Pilipinas upang maging bahagi ito ng United Nations Security Council.
“Malaking dibidendo na ‘yan sa Pilipinas na makuha natin ang seat sa UN Security Council, kaya napakaganda nitong event na ito. I’d like to thank again our chairman (Zubiri) for the successful hosting, and the Senate, the House of Representatives, all of the staff, and the media,” wika pa ng lider ng Kamara.
Sinuportahan naman ni Zubiri ang kumpiyansa ni Speaker Romualdez na makakapasok ang Pilipinas sa UN Security Council.