blu girls softball sea games

CLARK, Pampanga – Abot kamay na ng Philippine women’s softball team ang gintong medalya makaraang dominahin nila ang Malaysia sa semifinals.

Sa labanang ginanap sa The Villages sa Clark Pampanga, nangibabaw ang galing ng RP Blu Girls sa laro at tinapos ang bakbakan sa loob lamang ng tatlong innings sa iskor na 12-0.

Agad na humataw ang Pinay batters sa umpisa pa lamang at napanatili ang kanilang momentum hanggang sa dulo ng laban.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay RP Blu Girls assistant coach Ana Maria Santiago, sinabi nito na kontento naman siya sa ipinamalas na performance ng kanyang tropa.

Naging malaking tulong din aniya ang mga sinuong nilang mga laban sa eliminations na siyang nagbigay ng confidence sa kanila sa semifinals.

Sa ngayon ay hindi pa tukoy kung anong koponan ang haharapin ng Blu Girls dahil maglalaban pa ang Indonesia at Singapore, at kung sinong magwawagi rito ay sasagupain ang Malaysia.

Samantala, hindi naman pinalad ang men’s softball team ng bansa na yumuko sa Singapore, 4-3, sa kanilang semifinal match.